BuCor nagtayo ng pader sa kalsada malapit sa New Bilibid Prison

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2021 08:31 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Isa pang pader ang itinayo ng mga tauhan ng Bureau of Corrections sa Katarungan sa Muntinlupa, Biyernes ng gabi. Giniba rin ito ng mga residente matapos ang ilang oras.

Ayon kay Muntinlupa City Administrator Allan Cachuela, nagulat sila nang muling magtayo ng isa pang harang ang BuCor sa isang pangunahing kalsada sa lungsod.

Nilagyan ng pader na gawa sa hollowblocks ang kalsada at walang sasakyan ang nakadaan.

Ayon kay Cachuela ang naturang kalsada ay nagdurugtong sa mga residente ng Katarungan Village I at Katarungan Village II sa city proper kaya marami ang naapektuhan.

Apektado rin ang Muntinlupa National High School Main at Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.

Walang koordinasyon din aniya ang BuCor sa Muntinlupa local government tungkol sa pagpapasara sa daan.

Nagtungo sa lugar si Cachuela kasama si Cong. Ruffy Biazon at Barangay Captain Allen Ampaya. 

Humarap naman sa kanila si BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na tumanggi munang magbigay ng pahayag sa media.

Malaking problema kapag natuloy na maipasara ang kalsada. Matapos ang maikling pag-uusap ng mga opsiyal, sinabi ni Biazon na nangako naman ang BuCor na makikipag-coordinate na sa susunod.

Giit ng BuCor na mayroong security concern pero ang para sa city officials naman ay ang welfare ng mga residente.

Giniba ng mga residente ang naturang pader pagkatapos ng pag-uusap.

Hindi ito ang unang beses na nagtayo ng pader ang BuCor sa mga kalsada na malapit sa New Bilibid Prisons.

- TeleRadyo 27 Nobyembre 2021