'Di dapat mamili': Probinsiya ng Quezon, maglalabas ng direktiba kaugnay sa pagpili ng bakuna
ABS-CBN News
Posted at Nov 26 2021 04:45 PM
MAYNILA - Maglalabas ng bagong direktiba ang probinsiya ng Quezon para magamit na agad ang mga nakatenggang bakunang Sinovac kontra COVID-19.
“Magkakaroon kami ng provincial policy at ito naman ay sang-ayon na rin sa Inter-Agency Task Force na hindi kami dapat mamili. We will impose that to the people kasi may konti din kaming problema, yung iba ayaw pa rin magpa vaccine hanggang ngayon, natatakot sila,” pahayag ni Gov. Danilo Suarez.
Ayon kay Suarez, mas pinipili ng mga residente ang mga bakunang mula sa Western countries gaya ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca at Janssen kaysa Sinovac na gawa ng China.
Paliwanag ni Suarez na ang pagtanggap ng kung anong meron ay batay na rin sa guidelines ng Department of Health.
Magugunitang napaulat na nasa 37,000 na Sinovac vaccine, o CoronaVac, ang hindi pa umano nagagamit at nakaimbak lang sa provincial health office dahil may vaccine preference ang mga residente.
“Marami pa kaming Sinovac at sa totoo lang ngayon lang nagdadatingan yung aming vaccines na galing Western countries. We’re trying to force the issue na kung ano available tanggapin natin,” sabi niya sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga.
Patuloy naman din aniya ang probinsiya sa pagpapaliwanag at pagbibigay ng impormasyon sa posibleng side effects ng bakuna na ikinatatakot ng marami pang residente.
Dagdag naman ni Dr. Tiong Eng Roland Tan, assistant department head ng integrated provincial health office ng Quezon, naiisangtabi ang Sinovac vaccines dahil na rin sa mas inuunang iturok ang mga bakunang malapit nang mag expire.
"May dumarating na bakuna na expiring ng Nov. 30. May darating ng expiring ng Dec. 30. Ang Sinovac natin next year pa expiration nyan kaya po yung mga kasamahan natin sa RHU (Rural Health Units) ginagawa nila na istratehiya para po hindi naman tayo ma-expiran ng COVID-19 vaccine na dumadating sa ating lalawigan inuuna muna ang mga bakuna malapit nang mag expire," paliwanag ni Tan.
Danilo Suarez, Quezon province, COVID 19, Coronavirus, COVID vaccine, Sinovac, vaccine hesitancy, vaccine preference, TeleRadyo