'Adoption muna': Antipolo itinanggi ang mercy killing ng mga nahuling aso

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2020 11:24 AM | Updated as of Nov 26 2020 08:13 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Itinanggi ng lokal na pamahalan ng Antipolo City ang balitang sa Biyernes na isasagawa ang mercy killing o pag-euthanize sa mga asong walang nakapag-claim sa pound.

"Wala pong katotohanan ang napabalitang may deadline po tomorrow," pahayag ni Jun Ynares, tagapagsalita ng Antipolo City.

Watch more News on  iWantTFC

Ayon kay Ynares, nagulat ang lokal na pamahalaan at maging ang asawa nitong alkalde ng lungsod na si Mayor Andrea Ynares sa balita.

“Si Mayora Andeng po is a pet lover. Maraming aso sa bahay namin,” sabi niya sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga.
 
Nanawagan ang animal rescue groups sa mga pet lover na gustong mag ampon ng rescue dogs dahil nakatakda umanong i-euthanize ang mga ito sa Biyernes.

Bagamat nasa ilalim ng batas na pinapayagan ang pag euthanize sa mga asong nahuli, mas pinipili umano ng lokal na pamahalaan na maging last resort na lamang ito.

Watch more News on  iWantTFC

"Pag wala nang choice. Ibig sabihin po, adoption muna at 'yun ang panawagan ng Antipolo City sa mga kababayan po namin,” sabi niya.

Halos may isang buwan na umano sa dog pound ang nasa 100 mga asong nahuli na kanilang hinahanapan ng bagong matitirhan.

"Wala kaming choice kung ‘di manghuli. Ayaw man po namin, pero madaming naidudulot na problema ang stray dogs and cats,” sabi niya.
 
Samantala, maaaring makipag-ugnayan sa Antipolo City Legal Department ang mga interesadong mag-ampon ng aso ng libre.