PatrolPH

Suspek sa pamamaril sa Taguig na nagpanggap na delivery rider, arestado

Izzy Lee, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2022 07:34 AM

Watch more on iWantTFC

Nasakote ng mga pulis ang 25 taong gulang na lalake dahil sa pamamaril sa New Lower Bicutan sa Taguig.

Patay ang 55 taong gulang na biktima matapos magtamo ng anim na tama ng bala sa katawan.

Natamaan naman ng ligaw na bala ang 2 pang lalake na nagpapagaling na ngayon sa ospital.

Ayon sa Taguig City police, nakasuot ang suspek ng uniporme ng isang delivery courier habang nakasakay sa motor.

Bumaba ito sa motor at pinasok ang eskinita kung saan sinalubong niya ang biktima at pinagbabaril sa katawan.

Nahuli ang suspek matapos magsagawa ang mga pulis ng hot pursuit operation hanggang sa matunton ito sa Barangay Hagonoy sa Taguig kasama ang sampung iba pa. Ang isa sa mga ito, tinuro pa ng suspek na kasabwat sa krimen.

Dagdag ng mga pulis, paghihiganti ang motibo ng suspek sa pagpatay at hinihinalang miyembro ito ng sindikato.

Kakasuhan ang dalawang suspek ng murder, illegal possession of firearms, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.