PatrolPH

60 bangkay ng PDLs inilibing ng BuCor

Izzy Lee, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2022 07:54 AM

Watch more on iWantTFC

Nailalis na ang nasa 60 bangkay na matagal nang nakatengga sa isang punerarya sa Muntinlupa.

Alas-3 ng madaling araw nang magpunta ang mga tauhan ng Bureau of Corrections sa punerarya para kunin sa morgue ang 60 hindi pa nake-claim na bangkay ng mga PDL papunta sa BuCor para ilibing alas-7 ng umaga sa New Bilibid Prison Cemetery.

Ang ilan sa mga bangkay na ito, nasa 11 buwan nang nasa morgue.

Noong Nobyembre 9, nasa 10 bangkay ng PDL ang inilibing ng BuCor matapos madiskubre ang nasa mahigit 176 pang unclaimed na bangkay ng PDLs na nakatambak sa morgue ng punerarya. Ito ang bilang ng mga nasawing PDL mula Disyembre 2021.

Ang protocol ng BuCor, kapag lumalagpas na sa 90 araw na hindi pa nakeclaim ang mga bangkay ay inililibing na ang mga ito sa NBP Cemetery.

Pero nabanggit noon ng BuCor officer in charge na si Gregorio Catapang na kaya natatambak ang mga bangkay ng PDL ay marahil sa kakulangan ng maayos na sistema o kaya'y hindi kaagad naabisuhan ang mga kamag-anak.

Wala pang datos kung ilang ang hindi pa nake-claim na bangkay ng PDLs ang nanatili sa punerarya dahil labas masok umano ang mga bangkay dito at tanging BuCor lamang ang nakakaalam sa ngayon ng mga tamang bilang nito.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.