Kalsadang nagkabitak sa Pasig muli nang madadaanan ng mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 09:21 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Madadaanan na ng light vehicles ang dating nagkabitak na kalsada ng Topaz Road sa Barangay San Antonio sa Pasig City.

Matapos ang 3 buwang rehabilitation ay binuksan na rin sa mga motorista ang kalsada noong November 19. Natapos ang paglalagay ng konkreto sa 2 bahagi ng kalsada noong November 15. 

Ipinagbabawal din ang pagparada sa buong kalsada bilang pag-iingat.

Ayon sa barangay, tinatapos pa nila ang pagpapatibay ng pader sa construction site katabi ng kalsada.

Matatandaang bumigay ang pader ng construction site nang magkabitak ang Topaz Road.

Umabot ng 50 talampakan ang lalim ng mga bitak sa kalsada na napag-alamang nagmula naman sa bumigay na drainage pipe na ilang dekada na rin ang tanda.

Napalitan na ang drainage ng mas malaking daluyan ng tubig na 20 inches ang diameter mula sa dating laki na 18 inches.

Balak tapusin sa katapusan ng taon ang retaining wall ng excavation site. Sa ngayon ay hindi muna nagsasagawa ng construction activity sa mismong excavation site na katabi ng Topaz Road. — TeleRadyo 25 Nobyembre 2021