'Dapat sa driver': Benepisyo ng fuel subsidy nakapangalan sa operator - PISTON

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2021 12:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Iginiit ng transport group na PISTON na dapat ang mga driver ang makatanggap ng fuel subsidy ng gobyerno sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Isang malaking problema dito tulad ng binanggit natin sa hearing sa Kongreso, sapagkat ang ating naging karanasan noong unang nagkaroon ng Pantawid Pasada ay nakapangalan sa mga operators yung mga Pantawid Pasada na dapat ay ang minumungkahi natin dapat yung mga driver ang magkaroon ng benefit sa usapin ng ayuda o subsidiya sa usapin ng petrolyo,” pahayag ni Mody Floranda, presidente ng PISTON.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Floranda na sa base sa kanilang karanasan noong unang implementasyon ng Pantawid Pasada, pinagmumulan ito ng tunggalian ng driver at operator.

“Dahil yung mga driver hahabulin nila ang mga operator sasabihin nila dapat sila ang gumamit ng Pantawid Pasada pero ang sasabihin ng mga operator tumataas ang presyo ng mga piyesa ng mga sasakyan kaya dapat kami mag benefit nito. Doon sa hearing dapat pag-aralan ng LTFRB na dapat parehong makinabang yung driver at operator,” saad niya.

ikinagulat nila ang agarang pag-implementa ng P1 bilyon fuel subsidy, na kulang umano. 

“Nagulat tayo bakit biglang inimplement yung subsidy, P1 bilyon lang ito pero batay sa hearing nung pinag-aralan ng ating mg congresman dapat P8.8 bilyon ang i-allot na budget, ‘di po P1 bilyon kasi maliit ito kung sa public transport,” sabi ni Floranda.

Miyerkoles nang umpisang ibigay ang P7,200 one time ayuda sa 78,000 jeepney operators. 

“Pag tiningnan natin yung P7,200 ay hindi ito makakatulong lalo na sa kalagayan na tuloy-tuloy tumataas ang presyo ng petrolyo dito sa ating bansa,” sabi niya.

Sabi ni Floranda na kung hangarin ng gobyerno na tulungan ang sektor ng transportasyon rebisahin dapat nito ang mga batas tulad ng Oil Deregulation Law.

- TeleRadyo 25 Nobyembre 2021