Suspek sa pagnanakaw, pananaksak, arestado sa QC
Jose Carretero, ABS-CBN News
Posted at Nov 24 2022 07:37 AM
Nakakulong ngayon sa detention facility ng Cubao Police Station ang isa sa mga suspek sa pagnanakaw at pananaksak sa isang Indian national sa tinutuluyan nitong condotel sa Cubao noong nakaraang linggo.
Ang Criminal Investigation and Detection Unit o CIDU ng Quezon City Police District ang nagsagawa ng follow up operation.
Ayon kay Police Brigadier General Nicolas Torre III, District Director ng QCPD, nagkakahalaga ng P4 milyon ang nakuha sa biktima.
Nakunan pa ng CCTV ng condotel ang pagsakay ng dalawang suspek sa elevator papunta sa tinutuluyan ng biktima
Matapos ang mahigit dalawang oras, makikita na nagmamadaling sumakay ng elevator ang lalaking nakasuot ng itim na jacket na may bitbit na asul na eco-bag.
Hinubad pa nito ang jacket.
Ang isa sa dalawang nakunan sa elevator ang nahuli ng CIDU.
Ayon sa Philippine National Police, siya ang nakasuot na pink na hoodie na nakita sa CCTV footage. Bagama't naka hoodie, nakilala umano ng biktima ang isa sa dalawang suspek dahil sa katabing unit ng biktima ito nakatira at may utang na P300,000.
Pero itinanggi ng nahuling suspek ang akusasyon.
Hindi umano niya personal na kilala ang biktima, pero inamin niya na may utang siya rito dahil nagpapautang ito sa mga may tindahan sa palengke.
May puwesto ang suspek sa prutasan ng palengke sa Quezon City at dito niya umano niya nakilala ang biktima.
Tumanggi ang suspek na sabihin kung magkano ang utang nito sa biktima.
Naisampa na ang kasong robbery at frustrated homicide sa suspek habang pinaghahanap pa ang isa sa kasama nito na nakunan din sa CCTV na nakasuot ng itim na jacket.
Ayon kay Brigadier General Torre, dahil namukhaan sa CCTV, madali na lang na mahuhuli ang isa pang suspek.
Teleradyo, Sakto