Mga magpapabakuna sa Sampaloc, Maynila, maagang pumila
ABS-CBN News
Posted at Nov 24 2021 09:19 AM | Updated as of Nov 24 2021 10:37 AM
MAYNILA - Maagang pumila ang mga magpapabakuna sa Ramon Magsaysay High School lalo na ang mga senior citizen at may comorbidities na magpapabooster shot ngayong Miyerkoles.
Mas mainam para sa kanila na maaga sa pila para mauna na ring matapos.
“Para wala na tayong alalahanin pa. May pangontra na tayo. Lalong-lalo ako senior,” sabi ni Juanico Gaudencio.
Sa Maynila, priority pa rin muna na mabigyan ng booster shot ang mga may immunodeficiency, may HIV, sumailalim sa cancer at immunosuppresive treatment at transplant patients.
Pero ayon sa vaccination site supervisor, bukas pa rin sa kanilang bakunahan kahit hindi residente ng Maynila.
“Lahat ng mga nagkaroon na ng pagtitiwala at nabigyan na ng first and second dose, this is the time na magpa-booster na sila para talagang protektadong-protektado na,” sabi ni Maria Carmen Macalalad, vaccination site supervisor.
Siguruhin lang na may anim na buwan na ang lumipas mula sa kanilang second dose.
“Kailangan ko for abroad. 'Di pwedeng pumasok sa country ng pina-ano kong bakuna," ayon kay Filipinas Oblea.
Bukod sa vaccination card, dalhin lang din ang medical certificate na magpapatunay ng kanilang comorbidity.
May bakunahan din dito para sa 12-17 years old at inaabisuhan na lang din ang mga magulang na dalhin ang requirements ng kanilang mga anak.
- TeleRadyo 24 Nobyembre 2021
COVID-19 vaccine, booster shots, comorbidities, A3, Sampaloc, Maynila, Coronavirus, COVID vaccination program, TeleRadyo, Booster shot