PatrolPH

Ilang magbababoy na apektado ng ASF nakatanggap ng bayad-pinsala

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2021 01:38 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nakatanggap na ng bayad-pinsala mula sa Department of Agriculture ang ilang nag-aalaga ng baboy na tinamaan ng African swine fever.

Ayon sa ahensiya, umabot na sa P1.697 bilyon ang naibahagi nilang indemnification sa higit 48,000 na magbababoy sa bansa, na may-ari ng higit 379,000 baboy na pinatay dahil sa ASF.

Ani Agriculture Secretary William Dar sa isang pahayag, ang natitirang P461 million ay ipamamahagi nila sa iba pang apektadong magbababoy.

Kabilang sa mga nakatanggap ng bayad-pinsala ay si alyas James, isang magbababoy mula sa Solsona, Ilocos Norte.

Ani James sa panayam sa TeleRadyo, binayaran siya ng P5,000 kada baboy na pinatay. Pero nakatanggap lang umano siya ng bayad-pinsala sa 9 na baboy at wala sa 10 iba pa dahil malillit pa.

Dagdag ni James, hindi pa sila pinapayagang mag-alaga ulit ng baboy dahil sa posibleng presensiya pa rin ng ASF.

Ayon kay Solsona Mayor Joseph de Lara, maraming magbababoy sa lungsod ang apektado ng ASF.

"Masakit sa loob ko na ganito ang nangyari sa amin dahil alam ko ang hirap ng mga magbababoy," aniya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.