PatrolPH

Ilang tindera sa Divisoria Market, hirap magbenta ng sibuyas

Izzy Lee, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2022 07:22 AM

Watch more on iWantTFC

Mula P180 kada kilo, sumipa na sa P250 kada kilo ang presyo ng lokal na sibuyas sa palengke ng Divisoria magmula nitong Nobyembre.

Kung noon, marami ang pumupunta sa tindahan ng sibuyas ni Vivian Salonga, ngayon mangilan-ngilan na lang ang bumibili dito.

Dagdag pa niya, sa taas ng presyo ng sibuyas halos doble ang puhunan na inilalabas ng mga talipapa vendor gaya niya.

Kaya naman 13 pesos na rin kung ibenta ni Felecitas Peña ang kada piraso ng kaniyang sibuyas na dati'y 7 pesos lang sa kaniyang tindahan.

Muntik namang umurong sa pagbili ng sibuyas ang mamimili na si Eddy Bertos na nagulat sa presyo nito.

Sinubukan pa niyang tawaran ang presyo pero hindi na siya napagbigyan. Ani Mang Eddy, hindi niya kayang bumili ng isang kilo ng sibuyas kung saan sana siya makamumura kaya't ilang piraso na lang ang kaniyang binili na hahati-hatiin pa niya sa tatlong lutuan.

Ilan pa sa mga mamimiling nakausap natin kanina ay umaaray na sa taas ng presyo ng iba pang bilihin at nangangambang magkulang na ang kanilang budget pagdating ng buwan ng Disyembre.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.