Pamilyang naaksidente sa ginagawang tulay sa Tanza, nawalan ng pagkakakitaan

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2021 10:23 AM | Updated as of Nov 23 2021 08:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nananawagan ng tulong ang isang babae matapos na masawi ang kaniyang ina at nasugatan naman ang ama at kapatid sa van na nahulog sa ginagawang Obispo Bridge sa Tanza sa Cavite.

Namatay sa aksidente ang ina ni Jett Valle na si Daisy, habang sugatan naman ang kaniyang amang si Antonio at 14 gulang na kapatid na si Dino.

Sa lakas ng impact ng pagkakahulog mula sa tulay, humagis pa sa labas ng windshield ang kapatid ni Jett. Kakailanganin umano ng pamilya ang malaking halaga ng pera para sa pagpapa-opera sa kapatid na nagtamo ng iba’t ibang bali ng buto sa katawan.

“Madilim po talaga. Pag ganyan po sana, ilaw man lang para aware sila na may ganyan,” sabi ni Jett Vale.

“Sana po matulungan nila ako sa mga bayarin lang saka matulungan ako sa kapatid ko, sa operasyon niya kasi walang-wala po talaga kami,” aniya.

Bukod sa nawalan ng ina, nawala na rin ang source of income ng pamilya.

Ayon sa impormasyon, nagsisilbing mobile sari-sari store ang van ng pamilya.

Patungo anila sila sa isang construction site sa katabing bayan ng Naic para magtinda nang maganap ang aksidente.

Bukod sa van ng pamilya Vale, may nauna na ring nahulog na kotse sa naturang tulay.

Sa ngayon ay may mga warning signs na at ilaw sa lugar para maabisuhan nang maaga ang mga motorista sa ginagawang tulay.

Samantala, nag-abot na ng paunang tulong ang contractor ng proyekto, ayon kay Engr. Albert Daguro, project engineer ng Department of Public Works and Highways.

“Ang kagandahan naman po nung tinawagan ko yung contractor, sila po ay willing makipag-coordinate at sumuporta sa biktima sa aksidenteng ito,” sabi ni Daguro sa parehong panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga.

Nakapagbigay na umano ang contractor ng tulong para sa pagpapalibing sa biktima.

“Nung nakausap ko po nung gabi ang sabi sa akin naibigay na ang kinakailangan para sa pagpapalibing na P150,000 at nagbigay din sa hospital ng P44,000 para mailabas ang bangkay,” sabi niya.

May mga lokal na opisyal din ng Tanza na nagpahayag ng kahandaan sa pagtulong para sa pagpapagamot ng binatilyong anak ng biktima na nasugatan sa aksidente.

- TeleRadyo 23 Nobyembre 2021