Mas maayos na harang nilagay sa ginagawang tulay sa Tanza
Jekki Pascual, ABS-CBN News
Posted at Nov 23 2021 06:27 AM
Naglagay na ng mas kita na mga harang sa ginagawang tulay sa bayan ng Tanza, Cavite kung saan may nahulog na 2 sasakyan Lunes at namatay ang 1 pasahero.
Ayon sa Tanza Municipal Police Station, unang nahulog sa tulay ang isang kotse na may 3 sakay.
Ligtas naman ang 3 sakay na hinihinalang naka-inom. Pero makalipas ang ilang oras, nahulog naman ang isang van na may sakay na mag-asawa at isa nilang menor de edad na anak.
Patay ang nanay habang sugatan ang tatay at anak.
Pumunta sa crash site ang isa pang anak na biktima at maluha-luhang ikinuwento ang sinabi ng ama niya sa pangyayari at malubha rin aniya ang kalagayan ng kapatid niya.
"Madilim po talaga. Sana kung may ilaw man lang para aware sila na may ganyan. 'Pag ganyan lang, paano po kung malabo mata ng driver? S'yempre gabi po 'yun. Sana matulungan ako sa bayarin at sa kapatid ko sa operasyon niya kasi walang wala po talaga kmi," sabi ni Jett Aizel Vale.
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang pangyayari at kung may pananagutan ba ang contractor.
Nakatanggap kasi sila ng impormasyon na walang ilaw at hindi maayos ang harang sa butas ng tulay.
Ayon naman sa Department of Public Works and Highways project engineer, maayos naman ang mga harang. Gayunpaman, nakipag-ugnayan na sila sa contractor para matulungan ang mga biktima.
Sa ngayon, nilagyan na ng mas maayos na harang ang tulay at may mga tao na rin na nagmamando ng trapik sa lugar.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Teleradyo, Sakto, Tagalog news, bridge construction