BALIKAN: Biyuda, inalala ang sinapit ng asawang mamamahayag sa Maguindanao Massacre

Martina Elane Madrilejo, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2021 07:07 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Labindalawang taon na ang nakakaraan nang mangyari ang malagim na insidente sa probinsiya ng Maguindanao kung saan 58 tao ang walang habas na pinagpapatay. 

Kasama sa mga nasawi sa karumaldumal na massacre ay ang 32 mamamahayag na ginagampanan lamang ang kanilang mga propesyon noong araw na iyon. 

Isa ang asawa ni Cipriana Gatchalian na si Santos Gatchalian sa mga pinaslang sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. 

Ayon kay Cipriana, naka-duty ang kaniyang asawa noon sa isang lokal na pahayagan para i-cover ang pagsumite ng kandidatura ng mga Mangudadatu. Nabalitaan na lang ni Cipriana ang sinapit ng kaniyang asawa mula sa isang tawag.

“Tumawag ‘yung isang radio station. ‘Ma’am, mag-monitor ka sa radio station na ito. May bagong nahukay, ma’am. Kasama talaga ang husband mo’. Pumunta ako sa banyo, umiyak ako nang umiyak. Hindi ko pinakita sa mga anak ko na hysterical ako,” pag-alala ni Cipriana. 

Nang puntahan ni Cipriana ang bangkay ng kaniyang asawa, hindi niya napigilang manlumo dahil sa sinapit nito.

“Nakita ko ‘yung husband ko, wala nang laman ang utak. ‘Yung mga laman-loob niya lumabas. ‘Yung paa niya wala, basag ‘yun. Ganoon lang siya namatay? Hindi ko ‘yun matatanggap. Masakit ‘yun,” kuwento ni Cipriana.

Paano nga ba hinarap ni Cipriana ang nangyari sa kaniyang pamilya noong limang taon makalipas ang massacre? Balikan ang Failon Ngayon episode na ito na unang napanood sa ABS-CBN Channel 2 noong Nob. 22, 2014.