1,112 lumabag sa pinaigting na yellow lane sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 08:48 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Umabot sa 1,112 ang lumabag sa unang araw ng pinaigiting na pagpapatupad ng yellow lane sa EDSA, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Martes.

Sa ilalim ng naturang traffic scheme, tanging public utility vehicles (PUVs) lamang ang pinapayagang gumamit sa 2 outermost lanes ng EDSA. Maaari lamang dumaan dito ang mga pribadong sasakyang kung papasok o lalabas sa highway.

Hanggang alas-8 Lunes ng gabi, 831 ang pribadong sasakyan na ang sinita ng mga traffic enforcer dahil sa paglabag sa yellow lane policy habang 281 motorista ang nahuli sa no-contact apprehension, sinabi sa DZMM ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

Layon aniya ng yellow lane na mapabilis ang biyahe ng mga PUV upang mahikayat ang mga commuter na gumamit ng pampublikong transportasyon.

Pakiusap ni Pialago sa mga motorista: "Sana sa mga susunod na araw, mabawasan na ang huli natin. Sobrang dami rin ho kasi ng 1,100.

"Hindi naman po kami nagpaparamihan ng huli dito. Ang intensyon ay disiplina at mapabilis ang yellow lane."

Ipinaalala rin ni Pialago na huhulihin na rin ang mga motorcycle rider na lalabas sa kanilang itinalagang lane sa EDSA simula Miyerkoles.

DZMM, 21 Nobyembre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.