Lola, nais makapiling ang mga nailigtas na apo sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 07:48 PM | Updated as of Nov 19 2017 07:51 PM

Watch also in iWantTFC

Desidido ang isang lola na muling makapiling ang kaniyang mga apong nailigtas umano mula sa sigalot sa Marawi.

Ayon sa lolang si alyas "Corazon," nasagip mula sa main battle area ng Marawi city ang kaniyang tatlong apong sina Aisha, Yuryela Mae, At Ayyub.

"Sa mga apo ko, mahal na mahal ko kayo. Huwag kayong mag-alala, talagang hahanapin ko kayo kahit saan," pangako ng nangungulilang lola.

Tubong Bulacan, Bulacan ang pamilya ni Corazon. 

Pero noong isang taon, umalis ang kaniyang lalaking anak kasama ang buo niyang pamilya.

Isang netizen daw ang nagpadala sa kaniya ng mga larawan ng kaniyang mga apo sa Marawi.

"Hindi ko sukat akalain na nandito pala sila sa Marawi," ani Corazon. 
 
Kahit nangayayat, agad niyang nakilala ang mga apo sa retrato.

Namatay na rin daw ang mga magulang at dalawang kapatid ng kaniyang mga apo. 

Ayon sa provincial crisis management committee, kukuhanan nila ng swab sample si Corazon para matukoy kung siya nga ang lola ng mga nabubuhay na apo at kaanak ng dalawa pang namatay at mga magulang ng mga bata.

Tumutulong na rin ang Armed Forces of the Philippines.

"Ang sinabi nila is they will facilitate expeditiously 'yong pagkikita ng magkakamag-anak," ani Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng provincial crisis management committee.

Balik-Marawi

Simula naman sa Lunes, Nobyembre 20, pababalikin na sa kanilang bahay ang mga residente ng 10 barangay sa Marawi: 

       Mga bubuksang barangay sa Marawi:

  • Bacolod Chico
  • Toros
  • Lumbaca Toros
  • Tuca
  • Pindolonan
  • Dayawan
  • Amito Marantao
  • Poona Marantao
  • Bangon
  • Fort

Source: Task Force Ranao

"Ang medyo hindi lang makakabalik agad ay 'yong 24 barangays na apekatdo ng giyera... most affected area, dati ang tawag natin dito ay main battle area," ani Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Task Force Ranao.

Bibigyan ng Department of Social Welfare and Development ang mga residente ng relief goods at P5,000 initial cash assistance.

-- Ulat ni Rapahel Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.