Desisyon ukol sa contraceptives, tinutulan ng ilang grupong pro-life

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2017 07:42 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Umaalma ang ilang pro-life group matapos ideklara ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi "abortifacients" o hindi nakakapagpalaglag ng sanggol sa sinapupunan ang 51 contraceptives.

Buwelta ng isang umalmang grupo, walang ebidensiyang ipinakita kung bakit ligtas nga ang contraceptives.

Wala umano kasing inilabas na rules of procedure, bagay na itinatakda ng Korte Suprema bago maglabas ang FDA ng desisyon.

Hirit ng isang groupo, walang nangyaring due process.

"We should have been given the chance to confront the evidence presented by the applicants," ani Atty. Maria Concepcion Noche, presidente ng Alliance for the Family Foundation Philippines.

Posibleng minadali umano ng FDA ang paglalabas ng resulta sa pag-aaral.

"Pinapanipis niya [contraceptive] ang lining ng matres... di makakadikit ang fertilized egg. Kung di makaka dikit 'yong fertilized egg, e di mamamatay siya, masasama sa regla ng babae," ani Dr. Ryan Capitulo ng Pro-Life Philippines.

Wala pang reaksiyon dito ang FDA.

Pero pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang pahayag ng pro-life groups.

"FDA conducted hearings and asked them to participate," ani Dr. Juan Antonio Perez, executive director ng Commission on Population. "The resolution was signed on a Sunday... It was sent by mail. They will get a copy."

Tiwala naman ang pro-life groups na hindi pa tapos ang laban.

Pinag-aaralan na rin nila ang kanilang mga susunod na hakbang.

Samantala, sinimulan na ng DOH ang pamamahagi ng contraceptives.

Nauna nang nagbabala si Sen. Tito Sotto sa pamamahagi ng contraceptives ng DOH.

“Kailangan i-clarify natin sa Supreme Court ‘yan. ‘Yan ba automatic kapag idineklarang ganoon e automatic lifted ‘yong TRO [temporary restraining order]?” ani Sotto.

Dumepensa naman sina Health Secretary Francisco Duque III at ang principal author ng Reproductive Health Law na si Rep. Edcel Lagman.

"We respect the opinion of Sen. Sotto. But there is a law which the executive branch is mandated to execute,” ani Duque.

"The Supreme Court said, and I quote, 'after compliance with due process and upon promulgation of the decision of the Food and Drug Administration the temporary restraining order will be deemed lifted if the questioned drug and devices are found not abortifacient,'" ani Lagman. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.