PatrolPH

2 Chinese na umano'y kidnap victim tumalon sa sinasakyang coaster

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2022 08:55 AM

Watch more on iWantTFC

Sugatan ang 2 Chinese matapos tumalon sa umaandar na coaster sa kahabaan ng Araneta corner Quezon Avenue sakop ng Barangay Tatalon, Quezon City Miyerkoles ng umaga.

Nakunan ng CCTV ng barangay ang pagtalon ng 2 lalaki sa bintana at gitnang bahagi ng coaster dakong 3:15 a.m. ngayong Miyerkoles.

Kaagad namang sumaklolo ang mga tauhan ng Barangay Public Safety Officers ng Barangay Tatalon at emergency responders para gamutin ang mga sugatang Chinese.

Ayon kay John Christopher Ortiz, responder ng Barangay Tatalon,
namonitor ng mga rumo-rondang barangay tanod at Barangay Peace and Order Brigade ang pagtalon ng mga lalaki.

Tantiya nila, 7 ang sakay ng sasakyan.

Posible rin umanong binalikan ng Pinoy na driver ang tumalon na dalawang pasahero kaya nagkaroon ng pagkakataon ang iba pang sakay ng coaster na magpulasan.

Dagdag pa ni Ortiz, nabanggit ng driver na galing sila sa Pampanga pero hindi na nabanggit kung saan sila papunta. Palagay ng mga opisyal ng barangay, nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang mga Chinese dahil sa mga nakitang mga dala nilang mga computers sa loob ng sasakyan.

Hindi makausap ng PNP ang mga Chinese dahil hindi sila nakakapagsalita ng Pilipino o English.

Ayon sa pulisya, itinurnover na sa Anti-Kidnapping Group ang mga naharang na Chinese nationals. Ulat ni Jose Carretero at Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.