I-ACT di na nanita ng walang suot na face shield sa jeep at bus

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2021 10:06 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pinagtuunan ng pansin ngayon ng mga kawani ng Inter-Agency Council for Traffic ang pagkapuno pa rin ng mga jeep at iba pang pampublikong mga sasakyan na bumabaybay sa kahabaan ng Marcos Highway sa Cogeo, Antipolo City.

Umabot na sa 12 ang mga nasitang modern at traditional jeep bandang alas-8 ng umaga ngayong Martes dahil sa overloading. 

Naabutan ang ilang jeep na may mga sabit na pasahero.

Aminado ang mga tsuper na sinita na mula nang alisin ang mga plastic barrier sa mga pampublikong sasakyan, hindi na nila nababantayan ang bilang ng mga pasahero. 

Ang ilan naman ang nagsabi na hindi nila alam ang ipinatutupad na 70 percent passenger capacity.

Hindi na rin binabantayan ng I-Act ang pagsuot ng face shield sa PUV pero nagpapaalala na lang sila. Wala pa anilang specific guidelines na nailalabas ang Inter-Agency Task Force on Traffic tungkol sa pagsusuot ng face shield sa pampublikong sasakyan.

Naniniwala ang mga taga I-ACT na ang pagsusuot ng face shield sa mga de-aircon na sasakyan tulad ng modern jeep, UV Express at bus ay makatutulong pa rin para makaiwas sa impeksiyon mula sa COVID-19.

- TeleRadyo 16 Nobyembre 2021