PatrolPH

Ilang mga nagbebenta ng face shield aminadong hirap na mabawi ang mga pinuhunan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2021 08:53 AM | Updated as of Nov 16 2021 09:03 AM

Watch more on iWantTFC

RIZAL—Simula ngayong araw, hindi na mandatory ang paggamit ng face shields sa mga lugar na nasa Alert Level 3 pababa, kabilang ang National Capital Region.

Pero dahil dating naging COVID-19 hotspot ang rehiyon, marami sa mga nagtitinda ang nagpuhunan sa mga face mask at face shield.

Hindi lubos akalain ng ilang mga nagtitinda ngayon na magiging maluwag na ang polisiya sa pagsusuot ng face shields.

Kaya kamot ulo na ang iba sa kung papaano nila mapapaubos ang mga pinuhunan nila.

Isa dito sa Rey, na naglabas ng P3,000 para sa 400 piraso ng face shield. Ibinebenta niya ito sa halagang P10. Ngayon, may 90 piraso pa siya kailangan maibenta.

Si Tatay Mamao naman, mula sa dating P10 kada piraso ng face shield, P7 hanggang P8 na lamang niya ito ibebenta para lang mapaubos. Halos wala na siyang kikitain dito dahil P7 kada piraso ang pinuhunan niya.

Marami rin sa Cainta ang suportado ang pagluluwag sa panuntunan ng paggamit ng face shield.

Pero paalala ng pamahalaan, may face shield man o wala, huwag pa rin kalimutan sundin ang iba pang safety protocols at umiwas sa mga matataong lugar para maiwasang makuha ang COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.