2 sugatan sa pagbangga ng SUV sa police mobile sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2021 08:47 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Dalawa ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng SUV at police mobile sa Quiapo, Maynila Biyernes ng gabi.

Tumagilid ang police mobile matapos mabangga ng SUV sa ilalim ng Quezon Boulevard underpass bago maghatinggabi.

Ayon sa pulisya, reresponde sana ang police mobile nang maganap ang aksidente sa palusong na bahagi ng underpass.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang hood ng SUV na nakabangga sa mobile.

Nagpapagaling na sa ospital ang mga nasugatan na isang pulis at delivery rider na nadamay lang sa aksidente.

Inaalam pa ang dahilan ng aksidente.
 
— TeleRadyo 13 Nobyembre 2021