Iwasan muna ang EDSA, payo ng MMDA sa mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 02:19 PM

Watch also in iWantTFC

Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na iwasan muna ang pagdaan sa EDSA upang hindi maipit sa trapiko kasabay ng pagsisimula ng pulong ng mga world leader sa bansa, Linggo.

Nitong Sabado, sinimulang isara ng MMDA sa mga motorista ang 2 sa 4 na magkabilang lane ng EDSA, kung saan tanging mga delagado lang ng ASEAN ang maaaring dumaan.

Inamin ni MMDA spokesperson Celine Pialogo na libo-libong motorista ang naipit sa 5-oras ng mabigat na trapik dahil dito, kaya nakatanggap ang MMDA ng nasa 100 reklamo sa Twitter account nito.

Lumala pa aniya ang sitwasyon dahil sa 23 na aksidenteng naitala sa EDSA nitong Sabado.

"Pumalo po iyung traffic noong tanghali, talagang tuloy-tuloy na. Noong una, flowing pa po e, pero noong nagkaroon po ng mga aksidente, sumabay na po sa pag-uwi ng mga kababayan natin," sabi ni Pialago sa panayam ng DZMM.

"Today po will be the critical day. Lahat po sila (ASEAN delegates), magpupuntahan na po sa ating hotels dito sa Metro Manila... Iwasan po natin ang EDSA," pakiusap niya sa mga motorista.

Nakatakdang dumalo sa ASEAN ang lider ng 19 bansa, United Nations at European Union. Magtatagal ang pulong hanggang Martes.

DZMM, 12 Nobyembre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.