PatrolPH

Kawalan ng prangkisa, frequency rason sa pagpapasara sa Zagitsit News FM: Garbin

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2021 01:45 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hindi pulitika, kung hindi mga isyu tungkol umano sa prangkisa at frequency ang dahilan ng pagpapasara sa Zagitsit News FM sa Legazpi City, Albay, sabi ngayong Huwebes ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr.

“As to the allegations that ako yung mismo yung nagpasara, rekomendasyon, wala hong katotohanan d'yan. Ang tinutukoy ng NTC (National Telecomunications Commission), violation ng prangkisa at paggamit ng ilegal na frequency na hindi naman pagmamay-ari o hindi inisyu ng NTC at ng Kongreso kay Mr. Jun Alegre at sa Zagitsit FM,” sabi ni Garbin sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo.

Magugunitang inalmahan ni Alegre ang pagpapasara ng NTC sa estasyon na ayon sa kanya ay may bahid pulitika. Si Alegre ay tatakbo bilang board member ng ikalawang distrito ng Albay sa darating na halalan. Si Garbin naman ay tatakbo sa pagka-alkalde kung saan makakalaban niya ang misis ng kasalukuyang mayor na umano’y kaalyado ni Alegre.

“Patuloy niyang sinasabi pulitika, pulitika. Ang isyu lang naman ho sagutin nila. May prangkisa ba sila at meron silang frequency? At 'yun ay established facts na wala silang ganun,” sabi ni Garbin, na miyembro ng House Committee on Legislative Franchises.

Aniya, patuloy na gumagamit umano ng ilegal na frequency ang estasyon.

Sabi pa ng mambabatas, base sa mga record, ang business permit at mayor’s permit ng estasyon ay nakapangalan kay Alegre.

“Lahat nakapangalan sa kanya, yung Zagitsit FM. So we can call Jun Alegre as a congenital liar,” sabi ni Garbin.

Sa mga naunang pahayag, ipinagtataka umano ni Alegre kung bakit ngayon lamang nangyari ito samantalang may anim na taon na silang nag-ooperate.

“Yung contention nila na if they are able to use it for the past 6 years, sabi nga ng NTC, it does not ripen it to a legal right. Pasalamat nga sila nakapag-operate sila ng 6 years. And for the past 6 years, ngayon lang sila na check na ilegal pala yung kanilang operasyon,” sabi ni Garbin.

Sa usapin naman hinggil sa iba pang mga estasyon na ayon kay Alegre ay lumalabag umano sa batas, sinabi ni Garbin na nasa NTC na, bilang regulatory agency, ang responsibilidad sa pag-inspeksiyon sa mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.