Sandbags sa bubong: Ilang residente sa CamNorte naghahanda na kay Ulysses

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2020 11:03 AM

Watch also in iWantTFC

Naghahanda na ang mga residenteng nakatira sa coastal areas sa Daet, Camarines Norte sa pagdating ng bagyong Ulysses.

Ang mga bahay na nakaharap sa dalampasigan ay nilalagyan na ng mga sako ng buhangin at kawayan ang mga bubungan para hindi matangay ng malakas na buhangin.

Ang mga gawa sa pawid naman na mga bahay ay itinatali na ang mga bubong at maging ang mga haligi nito.

Isinisilid na rin ng mga residente ang kanilang mahahalagang gamit sa loob ng mga plastic at itinataas ito para di mabasa sakaling bumaha.

Ramdam na Miyerkoles pa lang ng madaling araw ang malakas na hangin at pabugsong pagbuhos ng ulan sa Daet.

Inaasahan naman ng provincial disaster office na lalakas pa ang ulan at hangin habang papalapit ang bagyo sa Camarines Norte kaya sinimulan na nitong Martes ang preventive evacuation ng mga residenteng nakatira sa mga mabababang lugar at coastal areas sa probinsiya.

Magpapatupad din ng forced evacuation sa mga lugar na may banta ng pagbaha at storm surge. Tinatayang nasa 13,000 hanggang 15,000 na pamilya ang kailangang ilikas bago dumaan ang bagyo.

Mayroon naman sapat na evacuation centers sa probinsiya para sa evacuees dahil ipinahiram ng Department of Education ang mga pampublikong eskuwelahan.

Mahigpit din ipinag-utos ang pagsunod sa minimum health protocols sa mga evacuation centers laban sa pagkalat ng COVID-19.

May sapat pang pagkain at mga supply para sa evacuees pero hindi na ito sasapat kung mahigit dalawang araw mamamalagi ang mga inilikas na residente sa evacuation centers kaya humingi na rin sila ng ayuda mula sa national government.

TeleRadyo 11 Nobyembre 2020