Rekomendasyon para sa COVID-19 booster shots, hintayin muna
ABS-CBN News
Posted at Nov 10 2021 02:21 PM | Updated as of Nov 10 2021 02:28 PM
MAYNILA - Marami na ang nag-aabang sa magiging kumpas ng gobyerno hinggil sa paggamit ng booster shots kontra COVID-19.
“I’m very glad that people are really interested in vaccination kasi ito naman talaga ang isa sa mga susi para makaalis na tayo sa pandemya. Pero marami pang kailangang malaman, and darating naman yang rekomendasyon na yan,” pahayag ni Dr. Anna Ong Lim ngayong Miyerkoles.
Sabi niya sa panayam sa segment na Vax Lang ‘To sa programang On The Spot sa ABS-CBN TeleRadyo, pinagpaplanuhan na ng gobyerno ang pagbibigay ng booster at third shot ng COVID vaccine ngayong buwan.
“Inaantay lang natin yung WHO strategic advisory group of experts on vaccination. And ang sabi sa amin, it will come out in November. Hopefully, this week or by next week, meron na tayong inputs para makapag-finalize na rin tayo ng local recommendations natin,” ani Lim.
Sa ngayon ay aniya ay limitado pa rin sa may edad at immunocompromised ang posibleng unahin na mabigyan ng booster shot sakaling payagan na ang paggamit nito.
“I would caution people. Wala pa tayong rekomendasyon sa ngayon. And unfortunately, ang dami nang nangangahas at sila na nagdedesisyon at nagpapabakuna,” sabi niya.
Wala pang sapat na impormasyon ang mga eksperto para magbigay ng rekomendasyon, dagdag niya.
“Unang-una, alin ba dapat ang idadagdag na bakuna? Yung bang katulad ng unang natanggap nila, o dapat mag-cross na ng platform? Kailangan pa nating sagutin yan. Pangalawa, ano ba yung tamang interval? Kasi may ibang bakuna na pag sobrang dikit ang pagbibigay natin sa dosing frequency, instead na makatulong, nakakapagpababa ng response, yung hyper responsiveness na tinatawag,” ani Lim.
Payo ni Lim na huwag muna manguna ang iba sa pagkuha ng booster at hintayin muna na lumabas ang rekomendasyon ng mga eksperto hinggil sa tamang paggamit nito.
“Mas maganda siguro antayin na natin. Kasi kung bigla namang mabalitaan na hindi pala yun ang dapat na tinanggap mo, hindi naman pwedeng sipsipin yang bakunang yan palabas sa katawan. We just want to be sure of our recommendation before we roll it out,” sabi niya.
- TeleRadyo 10 Nobyembre 2021
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
COVID 19, Coronavirus, COVID, TeleRadyo, Tagalog News