May-ari ng Zagitsit News FM station, umalma sa pagpapasara ng NTC

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2021 11:32 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Umaasa pa rin ang Zagitsit News FM, ang estasyon ng radyo sa Legazpi City sa Albay na ipinasara kamakailan ng National Telecommunications Commission (NTC) na muli itong makababalik sa ere.

Ayon kay Hermogenes “Ju’ Alegre Jr., station manager at may-ari ng Zagitsit News FM, may anim na taon na silang nag-ooperate.

“Two or three months ago, nasorpresa ako because ininspeksiyon, sin-single out yung Zagitsit News FM, ininspeksiyon ng NTC. Ang order galing sa Maynila. Findings nila expired daw ang aming temporary permit to operate tapos wala daw po kaming permit sa aming studio transmitter link,” sabi ni Alegre.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Alegre na nakapag-apply pa sila para sa renewal ng kanilang temporary permit may walong buwan bago ito mapaso.


“Nandito sa amin ang mga resibo. Ewan ko kung inaksiyunan kasi nagkaroon tayo ng pandemic,” sabi niiya.

Aminado naman siya na nakaligtaan siguro nila kaya nag expire ang studio transmitter link. Pero batay aniya sa NTC, fines lang ang pwedeng ipataw sa kanila sa ganung pagkukulang.

Nitong Lunes, inihain ng NTC ang cease and desist order sa naturang estasyon. 

“Nakahanda naman po kami. Bakit kami sinuspinde ng 30 days? Sabi ng NTC in deference doon po sa sulat, sumulat po kasi yung House Legislative Franchise Committee sa NTC na kami raw po ay lumabag dahil ginamit daw po namin ang frequency na 100.3 na ito po ay exclusive para sa HyperSonic Broadcasting Center that cannot be leased, sold, assigned,” sabi niya.

Sabi ni Alegre na may kasunduan umano sila sa Hypersonic na imamanage niya ang Zagitsit News FM.

“Ang Hypersonic po ngayon ang gumagawa ng paraan para maituwid po ito para makabalik kami sa ere. Nasa Hypersonic po kami. Ang aming application po lahat sa NTC lahat nakapangalan sa Hypersonic,” sabi niya.

Pero bago aniya silang ipinahinto sa operasyon, nagkaroon pa muna ng show cause order noong Oktubre 29 kung saan naghain ang Hypersonic Broadcasting Company ng mosyon para palawigin ang takdang panahon na sagutin ang show cause order.

“Nagpasalamat kami sa NTC pinagbigyan kami pero sa halip na 30 days, 15 days lang. Ang 15 days ns ito hanggang Nov. 19 kaya kami nagtataka kami bago ang Nov 19 ay naiserve na po ang suspension order. Hindi pa napakinggan ang side ng Hypersonic,” sabi niya.

Si Alegre ay tatakbo bilang provincial board member sa darating na halalan at kilala umanong malapit sa kasalukuyang alkalde ng Legazpi City, si Mayor Noel Rosal.

“Ang kalaban naman ni Rosal ay yung incumbent governor na si Al Francis Bichara na kaalyado ni Ako Bicol Congressman [Alfredo] Garbin na tumatakbo ngayong mayor sa Legazpi na ang kalaban po ay yung asawa ni Mayor Noel Rosal. Ako po naidentify po akong kaalyado ni Mayor Rosal,” sabi niya.

Ayon kay Alegre, dumami ang tagasuporta ng kanilang estasyon na natutuwa sa kaniyang pag impersonate kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Napakalaking factor kung bakit halos 80 percent sa Albay po ay nakikinig po sa amin. Patok yun at yung nakikinig sa akin hindi lang yung pabor kay president kung di din po yung mga kalaban ng presidente. Ang segment po namin pumupunta lang siya sa programa ko para kumanta tapos tinatanong ko siya sa mga mahalagang isyu, inihayag ko aking pananaw na hindi tugma sa kaniyang pananaw tapos minumura ako ni Mr. President, nag-aaway kami,” sabi niya. 

Ang naturang segment aniya ay ikinatutuwa ng marami nilang tagapakinig hindi lamang sa Albay kung di sa Sorsogon at karatig bayan.

“Talagang patok na patok ang programa at istasyon ito,” sabi niya.

- TeleRadyo 10 Nobyembre 2021