Contact tracing, disiplina susi sa 0 active COVID-19 cases sa Pura, Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2021 11:16 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Masusing contact tracing at disiplina ang naging susi sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID-19 sa bayan ng Pura, Tarlac, kung saan wala ni isang aktibong kaso ng COVID ngayon, ayon sa alkalde nito.

“Naging proactive po kami sa pagko-conduct ng contact tracing, at ganoon na rin po yung ini-instill namin sa mga [kababayan] namin yung disiplina kasi sabi ko sa mga kababayan ko kahit anong dami ng programa na ipinapatupad ng ating national na pamahalaan, kung hindi po tayo disiplinadong mga tao eh wala pong mangyayari sa atin,” kuwento ni Mayor Freddie Domingo sa TeleRadyo.

Dagdag pa ni Pura, nagpatupad din siya ng liquor ban at mariing ipinagbawal ang mga pagtitipon sa lugar.

“Nag-kwan po tayo ng liquor ban, tapos yung mga social gathering, yun po ang laging ini-instill ko sa isipan ng aking mga kababayan,” aniya. 

Aminado si Pura na naging problemado sila sa bakuna nitong unang bahagi ng 2021. 

“Nung una po, ang kwan namin eh, yun pong kulang po sa bakuna nung una. Yung supply po,” kuwento niya.

Pero ngayon, aniya, dumadami na ang suplay ng bakuna sa kanilang lugar.

“So siguro mas i-intensify lang namin ang vaccination program namin, ang balak nga namin magdagdag ng dalawang vaccination area so sana po matulungan kami ng provincial government tungkol dito.”

Inatasan na rin niya ang kanilang rural health unit na pahabain ang oras ng pagbabakuna sa lugar, aniya.

Nasa 7,000 palang ang fully vaccinated sa Pura. Nasa 17,000 ang kanilang target population sa bakuna, ayon kay Domingo.

--Teleradyo, 8 November 2021