Babaeng stranded sa Pasay, humingi ng tulong para sa pag-aaral ng mga kapatid sa probinsya

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 01:12 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Humiling ng tulong para sa pag-aaral ng mga kapatıd at ilan pang mag-aaral sa North Cotabato ang isang ginang na taga-roon pero kasalukuyang stranded sa Metro Manila matapos maabutan ng lockdown dulot ng pandemya.

“Sobrang hirap po ngayon sa kanilang pag-aaral. Ni kahit isang gadget, wala po sila,” kuwento ni Derlyn Lamery na nakatira ngayon sa Pasay City.

Pahayag ni Derlyn sa ABS-CBN TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, isang cellphone lamang ang pinaghahatian ng tinatayang 10 mag-aaral, kasama na ang kaniyang mga kapatid, sa kanilang bayan sa Arakan.

Hirap aniya ang mga ito kapag may kailangan silang i-research sa internet.

“Wala naman po kaming maibigay dahil kulang ang resources at financial. Sabi ko, ita-try ko humingi ng tulong,” ani Derlyn.

Na-stranded sa Metro Manila si Derlyn at ang asawa niya, kasama ang kanilang apat na taong gulang na panganay. Inabutan sila ng lockdown kaya hindi makauwi ng Cotabato.

“Health problem po. Nagka-post partum po ako,” kuwento ni Darlene nang tanungin kung bakit sila napaluwas sa Maynila.

Hindi aniya sapat ang kinikita ng asawa para makabili ng gadget dahil may iba pa silang pananagutan, tulad ng renta sa bahay sa Pasay, bills, at pangunahing pangangailangan ng naiwang pamilya sa Arakan kung saan naroon rin ang bunso nilang anak na isang taong gulang pa lamang.

Agaran namang natugunan ang hiling ni Derlyn.

Laking pasalamat niya kay Kabayan Noli De Castro sa ipinangakong dalawang tablets na mula kay Engr. Rene Tanasas. Paghahatian ito ng kaniyang mga kapatid at iba pang mag-aaral sa probinsiya.

Aniya, hindi niya inaasahang tutugon si De Castro sa mensaheng ipinadala niya sa Instagram account nito.

Nakatakdang umuwi ng North Cotabato ang mag-anak sa Huwebes.

- may ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

- TeleRadyo 4 Nobyembre 2020

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.