PatrolPH

La Mesa Dam posibleng umapaw; mga nakatira sa may Tullahan River pinag-iingat

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2020 01:16 PM | Updated as of Nov 01 2020 03:46 PM

Watch more on iWantTFC

Inabisuhan ngayong Linggo ng isang eksperto mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga nakatira malapit sa Tullahan River na maging alerto sa posibleng pagbaha dahil maaaring umapaw ang tubig sa La Mesa Dam bunsod ng malakas na ulang dala ng bagyong Rolly.

"Hindi natin isinasantabi iyong pag-apaw ng La Mesa Dam dahil hindi ito controlled dam, ito po 'yong overflow dam," ani PAGASA hydrologist Richard Orendain sa panayam ng TeleRadyo.

Ang overflow dam ay nangangahulugan umanong walang binubuksan gate dito.

Kasalukuyang nasa 78.86 meters ang water elevation ng La Mesa Dam at mag-uumpisa itong umapaw kapag umabot sa 80.15 ang elevation level, ayon kay Orendain.

"Once na umapaw itong La Mesa Dam, ang tubig na dadaanan nito ay iyong Tullahan River. So pinag-iingat natin 'yong mga kababayan natin diyan, mga nakatira malapit sa ilog," aniya.

Posible ring umapaw ang tubig sa may Ipo Dam pero nakatakda naman itong magpakawala ng tubig alas-4 ng hapon, ani Orendain.

Tuloy-tuloy din umano ang pagpapakawala ng tubig mula sa Ambuklao, Binga at San Roque Dam sa Benguet, at Magat Dam sa Isabela.

Posible daw magdulot ng pagbaha ang patuloy na pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sakaling madagdagan pa ang mga bukas na gate mula rito.

"Kung madagdagan pa 'tong opening ng gate ng Magat Dam, magko-cause po talaga ito ng pagbaha Pero sa ngayon, wala pang mga pag-ulan within the watershed ng Magat Dam," ani Orendain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.