SAPUL SA CCTV: Pagpuga ng 6 na preso sa Laguna provincial jail

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 11:28 PM | Updated as of Oct 31 2017 03:57 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Tinutugis pa rin ng pulisya ang anim na presong tumakas mula sa provincial jail ng Laguna noong Linggo, Oktubre 29.

Tinukoy ang anim na pugante na sina Verjust Dizon, Rio Mahilom, Rayman Raymundo, Teddy Bucal, Romel Macaraeg, at Rhande Vale.

Sa kuha ng CCTV, bandang alas-11 ng umaga noong Biyernes, makikitang pinalibutan ng tatlong preso at tinutukan ng baril ang isang jail guard sa reception area.

Tinutukan din ng isang presong may hawak na baril ang isa pang jail guard.

Habang patakas ang mga preso, makikitang hinawakan ng isang preso ang nagpupumiglas na jail guard hanggang sa barilin niya ang guwardiya.

Agad tumakbo palabas ng bilangguan ang anim na preso.

Paglabas ng bilangguan, pinara ng tatlong pugante ang isang tricycle pero iniwan din nila iyon.

Ang isa sa kanila na may dalang M-16 rifle, nagtangka pang tutukan ang isang bystander.

Hindi na nakunan ng CCTV ang pagkuha ng mga pugante sa isang sasakyang ginamit nilang getaway vehicle, pero makikita sa video ang pagtakbo palayo ng driver ng sasakyan.

Sinubukan pa silang habulin ng isa sa mga jailguard.

Ayon sa Laguna Action Center, isinabay ng mga preso ang pagpuga sa oras ng dalaw.
 
Posibleng naipuslit ng isang dalaw ang baril na ginamit ng isa sa mga pugante, batay sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).

Nagpapagaling na sa ospital ang nasugatang jail guard.

Agad namang nagsagawa ng checkpoint ang PNP pero wala pang nahuhuli sa mga pugante.

Ayon sa PNP, natagpuan na sa Los Baños, Laguna ang ginamit na getaway vehicle.

Maaaring tumawag sa Laguna Action Center sa 049-501-2628 para sa mga may impormasyon sa kinaroroonan ng mga tumakas na preso. -- Ulat nina Val Balita at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.