Mga bibisita sa puntod ng yumao, maagang nagsidatingan sa Manila North Cemetery

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2021 11:22 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Maagang nagsidatingan ang mga bibisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa Manila North Cemetery ngayong Huwebes.
 
Karamihan sa mga maagang dumating ay mga senior citizen na umiiwas nang maabutan ng matinding init.

Pero bawal pumasok ang 65-years old pataas ganun din ang mga menor de edad.

May mga mula probinsya rin na ala-5 pa lang ng umaga ay nasa sementeryo na pero hindi agad pinapasok.

Tulad na lang nila Zeny na galing pang Bulacan at nakaugalian nang pumunta rito sa Manila North Cemetery nang maaga.

“Maaga po kami kasi sa tanghali po marami na po ang tao. Mamaya po dadagsaan na po ang tao. Inspeksyon lahat, eh marami na. Two years na po yung lockdown natin. Gusto natin na madalaw natin yung mahal sa buhay,” sabi ni Narcisa Bernal.

Sa inspeksyon sa police assistance desk, may mga nakumpiskang mga sigarilyo at lighter.

Ipinagbabawal din ang anumang matatalim na bagay, flammable materials, mga armas, perfume o pabango, alak, droga, malalakas na speaker at mga baraha.

- TeleRadyo 28 Oktubre 2021