Presyo ng bulaklak, nasa P100 ang ibinagsak

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2020 06:59 AM | Updated as of Oct 28 2020 11:33 AM

Watch also in iWantTFC
Mga bulaklak sa Dangwa sa Maynila. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA— Matumal pa rin ang bentahan sa Dangwa, Maynila sa kabila ng nag-uumapaw na suplay ng mga bulaklak dahil sa mga limitasyon sa pagpunta sa mga libingan sa gitna ng patuloy na pandemya.

Noong mga nakaraang taon, dagsa na ang mga mamimili ilang araw bago mag-Undas, pero nananatiling maluwag ang mga daanan sa Dangwa hanggang ngayon.

Para hindi masayang ang mga paninda, nagbagsak-presyo na ang mga nagtitinda ng halos P100.

PRESYO NG IBA PANG BULAKLAK

  • Stargazer → P130/stem
  • Roses → P250/bundle (2 dosena), P50/stem
  • Chrysanthemum → P100/dosena
  • Carnation, Gerbera →P180/10 stems

Pati mga floral arrangement na dating mabibili sa P800 hanggang P1,000, nasa P600 na lang ngayon.

Pero nililimitahan na rin nila ang paggawa ng malalaking ready-made floral arrangements na ito dahil mas mabenta ngayon ang mga maliliit na arrangements sa naka-basket na mabibili sa P100.

Ayon sa mga nagtitinda, epekto na ito ng pandemiya dahil posibleng hindi prayoridad sa budget ng karamihan ngayon ang pagbili ng bulaklak.

"'Yung medyo mababa na lang na presyo ng bulaklak para abot-kaya ng mga mamimili 'yung bulaklak. Siguro dahil sa pandemya kaya hindi na sila makabili ng magandang bulaklak para sa mahal nila sa buhay," ani Jonel Bulima, nagtitinda ng bulaklak.

Gusto lang ng mga nagtitindang maibenta ang mga bulaklak para hindi mabulok at masayang, lalo na't huling araw na ngayon na puwedeng bumisita sa sementeryo.

Pero umaasa pa rin silang mae-engganyong bumili ang mga tao dahil sa mababang presyo ng mga bulaklak kahit Undas.

Ipinag-utos ng gobyerno na isara ang mga sementeryo sa bansa mula Okt. 29 hanggang Nob. 4 para maiwasan ang dagsa ng mga tao sa tradisyonal na Undas bilang pag-iingat laban sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.