Speed Limiter Act, isinusulong kontra aksidente sa daan

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 03:45 AM | Updated as of Oct 28 2017 08:52 PM

Watch also in iWantTFC

Matapos ang sunod-sunod na aksidenteng kinasangkutan ng mga truck sa lumipas na linggo, isinusulong ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na maipatupad na ang Road Speed Limiter Act of 2016.

"Dapat may speed limiter yung mga sasakyan...May stationary, may portable, pag nagawa 'yun makikita mo yung road worthiness ng bawat sasakyan," ani Tugade. 

Sa ilalim ng batas, obligado ang ilang sasakyan gaya ng closed van, cargo trailer, Public Utility Vehicles (PUV) at anchor truck na maglagay ng speed limiter.

Kapag walang speed limiter, hindi sila maparerehistro sa Land Transportion Office at walang prangkisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Umaasa rin si Tugade na magkakaroon na ng motor vehicle inspection system (MVIS) bago matapos ang taon.

Sa isang text message sa ABS-CBN News, sinabi ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada na ang paglalagay ng speed limiter ay nakapaloob na sa Omnibus Franchising Guidelines habang ang MVIS ay paparating pa lang sa susunod na taon.

Balak naman baguhin ng LTO ang pamantayan sa pag-issue ng mga lisensiya. 

Dadagdagan umano ng vehicle-specific questions sa LTO exam.

"[Ito'y] para ma-estimate natin yung capability niya mag-drive ng vehicle na kaniyang intended na gamitin," ani LTO assistant secretary Ed Galvante.

Sa Disyembre 5 itinakda ang hearing sa preventive suspension order laban sa truck na umararo ng sasakyan sa Batasan Road, Quezon City habang hinahanap pa rin ang truck na nakaaksidente sa Antipolo para makasuhan.

--Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.