Publiko pinaalalahanan laban sa online job scam

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2021 07:15 PM | Updated as of Oct 27 2021 07:16 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pinayuhan ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang publiko laban sa mga kawatan na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa gamit ang social media.

Ayon kay Victor Lorenzo, chief ng NBI Cybercrime Division, ginagamit din ng mga illegal recruiter ang kapangyarihan ng internet para makapangbiktima.

“Nag innovate din, kina-capitalize din nila ang power ng internet,” sabi ni Lorenzo.

Ito’y matapos na idulog ni Ann, ‘di tunay na pangalan, ang karanasan niya at ng kaniyang mga kasamahan na napangakuan ng trabaho sa Dubai.

“Noong August may mga post sila sa Facebook, job order po, mga trabaho gaya ng cleaners, housekeeping, waitress, at kung ano pa, mga skilled work daw po. Nag apply kami, nagsend kami resume, passport copy saka mga pictures para daw po sa visa. Nag send naman po sila ng ID, passport niya, residence ID niya. Pinatunayan niya na totoo daw siyang tao, hanggang sa nag payment kami ng kalahati lang muna,” sabi ni Ann.

Sa programang Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo, sinabi ni Ann na nagbayad muna siya ng kalahati at saka lang nag full payment nang dumating na ang visa. Nagbigay din sila ng paunang bayad para naman sa swab test nila. Sinabihan din sila na magkita-kita na lamang sa araw ng kanilang lipad sa Setyembre 13

Sa kabuuan, nakapagbayad ang bawat isa sa kanila ng P30,000 para sa naturang trabaho sa ibang bansa.

“Nung flight na po, cancelled daw po sabi daw po ng immigration tapos pinaghintay kami hanggang Oct. 21. Dumating ang araw wala pong nagpakita sa amin na tao. Wala rin pong swab test na nangyari,” sabi niya.

Pinaghintay rin sila sa parking lot ng isang condo sa Pasay ng maghapon pero wala rin sumupot na taong nakipagkita sa kanila.

“Tapos nag message po sa amin na nagkadrama na, nakakulong daw po sa CIDG sa Crame, pumunta daw po kami sa Crame para makita daw po namin nakakulong. May pumunta po wala naman doon. Nililigaw na lang po talaga kami,” sabi niya.

Huli na nang mag-check sila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung saan nalaman nilang walang authorized na empleyado sa pangalan ng nanakusap nila.

“Dapat mag file sila ng formal complaint kasi dapat malaman din natin kung saan nila pinadala yung payment, yung ang magiging lead natin,” sabi ni Lorenzo sa parehong panayam sa TeleRadyo.

Ayon kay Lorenzo, kahit alam na ng mga biktima na may red flag na ang transaksiyon lalo't kung ito ay minamadali o may delay “kapit patalim pa rin sila sakaling magbunga yung investment nila.”

“Sa ganyang modus, yang mga illegal recruiter online dapat i-check kagad ang license, tumawag o tingnan nila website ng POEA, i google nila yung company o pangalan ng taong nakikipag-usap sa kanila. Yun ang unang icheck bago mag release ng any payment,” sabi ni Lorenzo.

Dagdag pa niya na alamin din kung may physical address ang kumpanya na nakikipag-usap sa kanila.

“Pag may delay wag na silang mag additional payment tapos kunwari nagmamadali, yun ang mga red flag,” sabi niya.

Sa kabila ng kanilang karanasan, nais pa rin ni Ann at ng kaniyang mga kasama na makaalis at makapag-trabaho abroad.

“Kailangan talaga kasi nangutang po at tumutubo na ang utang,” sabi ni Ann.

- TeleRadyo 27 Oktubre 2021