Mga amusement park, arcade bukas na sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2021 10:51 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagbukas na ang amusement park sa Sky Ranch sa Tagaytay ngayong nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Cavite.

Sa anunsiyo sa Facebook, balik-operasyon na ang adult attraction para sa 50 porsiyento ng kapasidad ng lugar. Bawal pa rin pumasok ang mga menor de edad at tanging bakunadong 18 hanggang 65 taong gulang lang ang tatanggapin.

Bagamat outdoor ang venue, pinaalalahanan ng Sky Ranch ang mga bibisita na dapat nakasuot pa rin ng face shield bukod sa face mask.

Wala na rin bayad sa parking sa ngayon.

Samantala, inanunsiyo ng pamahalaang lungsod ng Tagaytay na bukas na rin ang Picnic Grove araw-araw mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. 

Nasa 50 porsiyento lang din ang kapasidad ng parke at minamandato rin ang pagsusuot ng face mask at face shield sa loob.

Sa Batangas naman na nasa alert level 2, binuksan ng isang mall sa Lipa ang entertainment at amusement arcade center. Bagamat pinapayagan ang paglabas ng mga menor de edad sa alert level 2, malabo pa rin silang makapasok sa mall sa ngayon dahil fully vaccinated na indibidwal pa lang ang tinatanggap.

Hindi pa rin nagbubukas ang theme park na Enchanted Kingdom pero nakipag-ugnayan na ito sa pamahalaang lokal ng Sta. Rosa, Laguna para magamit bilang vaccination site ang events place nila.

- TeleRadyo 27 Oktubre 2021