LTO nilinaw na suspendido ang mandatory PMVIC testing

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2021 02:19 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na tanging ang mandatory inspection lamang ng mga sasakyan sa mga private motor vehicle inspection centers (PMVIC) ang suspendido ng pamahalaan.

Ito’y matapos sabihin ni Senator Grace Poe na nakatanggap siya ng ulat na balik-operasyon na ang mga PMVIC sa ilang lalawigan sa bansa. 

Screenshot mula sa website ni Sen. Grace Poe
Screenshot mula sa website ni Sen. Grace Poe

“Linawin ko lang ‘no, ang sinuspinde noon, yung mandatory,” sabi ni LTO ASec. Edgar Galvante sa TeleRadyo.

“Kaya optional, kung saan ang piliin ng mga motorista, kung saan sila magpapa-inspect, open yun, (private emission testing center) o MVIC. Bagamat hindi mag-equivalent yun no, kasi sa PETC tanging emission lang ang chine-check dito. Samantalang sa MVIC, yung kabuuan ng operasyon ng sasakyan,” aniya.

Idiniin ni Galvante na pinapayagan pa rin ng batas ang operasyon ng mga PMVIC.

Matatandaang nitong Agosto ay inatasan ng Department of Transportation ang LTO na suspendihin muna ang implentasyon ng mandatory PMVIC testing sa mga nirerehistrong sasakyan.

Ito ay hangga't hindi nareresolba umano ang isyu sa Geographic Areas of Responsibility (GAOR). 

Ang polisiya ng GAOR ay dapat ang geographical location ng PMVIC ay malapit sa LTO office kung saan kikilalanin ang pagsusuri na ginawa.

Pero dahil sa pandemya kung saan nililimitahan ang paglabas at pagkukumpol ng mga tao, sinuspinde muna ang PMVIC sa LTO at balik sa dating gawi na manual o visual inspection sa sasakyan na ginagawa sa LTO office.

--TeleRadyo, 26 October 2021