PatrolPH

Rider, patay sa banggaan sa Tondo

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2021 07:33 AM

Watch more on iWantTFC

Patay ang isang motorcycle rider matapos mabangga sa isang kotse sa Tondo, Maynila Lunes ng madaling araw. 

Nakahandusay na ang rider sa intersection ng Abad Santos Avenue at Solis Street sa tabi ng kanyang motorsiklo at pulang kotse. Sira rin ang kanang bahagi ng kotse na marka ng pagsalpukan ng dalawang behikulo. 

Ayon kay Kagawad Louie Dela Cruz ng Barangay 215, base sa CCTV ng barangay tila mabilis ang takbo ng motorsiklo at hindi pa huminto sa pulang stoplight. 

Makikita sa CCTV na mabagal lang ang takbo ng kotse nang dumaan sa intersection, pero naabutan pa ng motorsiklo. 

Kinausap ng kagawad ang driver ng kotse na tila ninebryos umano sa nangyari. Napagalaman na TNVS ang driver at nag-aantay na lang ng booking ng pasahero. 

Paalala ng kagawad sa lahat ng motorista na sumunod lagi sa traffic light kahit madaling araw. May mga naitala na rin aniya silang aksidente sa kalsada dahil lang sa hindi pagsunod sa batas trapiko. 

ABS-CBN TeleRadyo, October 25, 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.