300 jeep nag-strike sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 10:47 AM | Updated as of Dec 15 2019 01:49 PM

Watch also in iWantTFC

Nagtigil pasada ang nasa 300 pampublikong jeep sa Valenzuela ngayong Miyerkoles ng umaga, dahilan para maistranded ang ilang pasahero.

Ayon kay public information officer Zian Caina, may biyaheng Monumento-Meycauayan, Bulacan ang mga driver, pero nais nilang mapaiksi ang kanilang ruta hanggang Paso De Blas upang makatipid sa gasolina.

Labag aniya ito sa kanilang prangkisa kaya hinuhuli ng mga awtoridad ang mga nagka-cutting trip.

Bilang protesta sa mga panghuhuli, nag-strike ang nasa 50 miyembro ng isang jeepney roup nitong alas-6 ng umaga.

Kalaunan, nahikayat nilang sumali sa tigil-pasada ang 2 pang grupo na may 300 miyembro.

Nakumbinsi naman aniya ng mga awtoridad ang 2 huling grupo na bumalik na sa pamamasada dakong alas-9 ng umaga.

Iginiit din ni Caina na walang kapangyarihan ang lokal na pamahalaan na baguhin ang ruta sa prangkisa ng mga driver at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board nila dapat idulog ang naturang isyu.

May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

DZMM, 24 Oktubre 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.