Mga sinibak na pulis-Caloocan, magbabantay sa ASEAN

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 11:43 AM | Updated as of Oct 24 2017 12:52 PM

Watch more in iWantTFC

Magbabantay sa pulong ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) leaders ang mga pulis-Caloocan na tinanggal sa puwesto nitong Setyempre, kinumpirma ng isang opisyal, Martes.

Sinibak ng National Capital Region Police Office ang lahat ng pulis sa Caloocan dahil sa pagkakasangkot ng ilang kawani nito sa pagkamatay ng teenager na si Carl Angelo Arnaiz at umano'y panloloob sa isang bahay.

"Hanggang ngayon po nasa training sila, 30 days po iyan, matatapos sila itong bandang katapusan [ng Oktubre], before ASEAN po. Ide-deploy natin sila for ASEAN duties," sabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde.

Wala naman aniyang namomonitor na banta sa summit ang mga awtoridad.

Idadaos ang 31st ASEAN Summit mula Nobyembre 10 hanggang 14 sa Clark, Pampanga at Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay.

Nagdeklara ang Malacañang ng special non-working days sa Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga.

Sinuspinde naman ng mga alkalde sa Metro Manila ang pasok sa lahat ng antas sa Nob. 16 at 17.

Magpapatupad ng stop and go scheme sa mga rutang dadaanan ng ASEAN leaders, kabilang na ang EDSA, southbound lanes ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at North Luzon Expressway (NLEX).

Umagang Kay Ganda, 24 Oktubre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.