2 tow truck na ‘iligal’ na nagto-tow ng mga sasakyan, kinumpiska

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:28 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Kinumpiska ng Manila Traffic and Parking Bureau ang 2 tow truck na sangkot umano sa iligal na paghahatak ng mga sasakyan sa Maynila.

Ayon kay Mark Urieta, pinuno ng Anti-Scalawag Team ng MTPB, hinuli nila ang tow truck na may body number na JC 082 matapos maaktuhan na may hinahatak na isang truck sa Road 10 sa Tondo. Wala rin sa listahan ng mga accredited towing trucks ang partikular na body number nito.

Ayon sa driver ng truck na si Raymond Gonzales, tinututukan na siya ng tow truck ilang minuto bago pa man ito tumirik. Dun siya umano sapilitang hinatak at matapos makalayo ng ilang metro ay ginilid ito at pinagbabayad na ng P10,000.

Lumitaw rin sa pagsusuri ng MTPB na may pinutol na hose sa ilalim ng truck na maaaring sanhi kung bakit ito tumirik. 

Samantala, hinatak rin ng MTPB ang isa pang tow truck na wala ring permit to tow mula sa City Hall matapos makitang may hinahatak na isang mini bus sa Roxas Boulevard.

Ayon sa driver na si Jun Silvano, galing sila sa Las Piñas at pinakiusapan lamang ng may- ari ng bus na tulungan sila na hatakin ito papuntang Novaliches. Tinikitan na ng MTPB ang dalawang driver habang dinala naman sa Paraiso Impounding Area sa Malate ang mga trucks. – Umagang kay Ganda, 24 October 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.