PatrolPH

Pagbabakuna kontra tigdas, polio simula na sa Okt. 26

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2020 10:58 AM | Updated as of Oct 23 2020 10:59 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Aarangkada na ang pagbabakuna laban sa mga sakit na tigdas at polio sa Lunes, Oktubre 26, ayon sa Department of Health.

“Ito po ay sabayang measles-rubella, 'German measles, and oral polio vaccine supplemental immunization activity sa mga rehiyon sa Luzon—except NCR, Region 4A and Region 3—at lahat ng rehiyon sa Mindanao,” pahayag ni Dr. Wilda Silva, National Immunization Manager ng DOH.

Sa panayam sa TeleRadyo Biyernes, sinabi ni Silva na nakatanggap sila ng request na dahil sa tumataas ang kaso ng COVID-19 at kasalukuyang nasa ilalim ng modified general community quarantine pa rin ang probinsya ng Lanao del Sur kaya maantala ng pagbabakuna sa lugar na ito ng ilang linggo.

Ayon kay Silva, naantala ang kanilang programang pagbabakuna dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

“Pareho naman po ang ating gagamitin na vaccinator at rumeresponde sa COVID-19. Unfortunately, may mga health workers tayo na naka-quarantine ngayon sa ibang lugar kaya naantala ang ating pagsasagawa ng malawakang pagbakuna kontra tigdas,” sabi niya.

Magkakaroon ng fixed posts ang DOH, gayundin ng temporary sites para mailapit ang serbisyong pagbabakuna sa komunidad.

“Wala po tayong door-to-door ngayon but instead, 'yung ating temporary site 'yung ang sinasabi nating dadalhin 'yung ating kabataan together with the parents doon sa itinalagang temporary sites,” ayon kay Silva.

Paliwanag niya na limitado lamang ang kapasidad ng mga temporary sites na ito para maiwasan ang paglabag sa mass gathering at matutukan ang physical distancing.

“Mahigit din ang tagubilin namin sa mga vaccinators na mag practice ng hand washing o hand sanitizing bago sila magbigay ng bakuna at binigyan namin sila ng kanilang PPEs. Kailangan yung minimum health standards masunod,” dagdag niya.

Hinikayat ng DOH na makipag-ugnayan ang komunidad sa kanilang barangay para sa programa.

Wala naman aniyang dapat ikatakot ang mga magulang laban sa pagbabakuna lalo pa’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.

“Matakot po kayo sa tigdas, wag po sa bakuna dahil po ito ay ginagamit na nating matagal itong bakuna nating kontra measles,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.