Bilang ng papapasuking pasahero sa NAIA, babawasan

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 10:27 AM | Updated as of Oct 22 2020 11:52 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Babawasan na ang mga papayagang darating na mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport sa 2,000 na lamang.

Malaking kabawasan ito mula sa 4,000 hanggang 6,000 kada araw nitong mga nakaraang buwan dahil kailangang mag-adjust ng one-stop-shop ng gobyerno para sa uuwing mga Filipino workers.

Ito’y matapos inihinto pansamantala ng Philippine Red Cross ang pagproseso at pag supply ng mga RT-PCR test kit o swab test kit.

Tinatayang nasa 6,000 OFW ang nananatili sa mga quarantine facility at naghihintay ng resulta ng kanilang swab test. 

Inaabot na ng isang linggo ang paghihintay sa resulta ng swab test mula sa dating 2 hanggang 3 araw lang.

Matatandaang buwan ng Agosto pa lang nang magbabala ang Red Cross na ititigil na nila ang pagproseso at pag supply ng COVID-19 tests kung hindi makapagbabayad ng higit P900-milyong utang ang PhilHealth sa kanila.

- TeleRadyo, 22 Oktubre 2020