Pagbabakuna ng mga bata sa sports center inirekomenda sa Marikina
ABS-CBN News
Posted at Oct 21 2021 08:10 AM | Updated as of Oct 21 2021 08:39 AM
MANILA—Aarangkada na ngayong Biyernes, Oktubre 22, ang pinalawig na pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 anyos sa Metro Manila.
Unang inilunsad ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa 9 na ospital sa Metro Manila.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government, may idadagdag na 13 ospital kung saan maaaring mabakunahan ang mga bata.
Pero sa Marikina, inirerekomendang gawin ang pagbabakuna sa kanilang sports center.
“Una ho, very limited ’yung number of hospitals natin dito sa Marikina. At hindi gaanong malalaki ang lugar ng ospital dito,” ani Mayor Marcelino Teodoro sa isang panayam sa TeleRadyo.
Dagdag pa ni Teodoro, nainspeksyon na ng mga kinatawan ng Department of Health (DOH) ang vaccination facility sa Marikina.
“Nu'ng nakaraang Martes ay nagkaroon ng validation at inspection ang mga representative ng DOH at nakita naman nil ana maaaring gamitin ’yung malaki nating vaccination facility na nasa Marikina Sports Complex,” pahayag ng alkalde.
“Meron din ’tong, meron kaming sinetup na medical room at meron talaga kaming vaccination area na talagang compliant naman sa paggamit ng bakunang Pfizer.
“Pati ’yung temperature kontrolado, regulated, may mga vaccinators tayo na sinanay, may mga pediatric doctors tayo na hinire ngayon na dagdag doon sa mga ordinaryong doktor na nagbabakuna na,” paliwanag niya.
Ayon kay Teodoro, napakalapit din ng kanilang sports center sa dalawang ospital sa lungsod.
“Itong facility na ’to ay napakalapit doon sa Amang Rodriguez Hospital, isang public medical center sa ilalim ng DOH. Ito ay halos mga 20 meters lamang ang layo . . . at ’yung isa pang ospital, Marikina Valley Medical Center, isang pribado, ay halos parang nasa 50 meters lamang ang layo.
“Kaya ho, ni-require lang kami na magkaroon ng mga standby ambulance units at mga medical personnel sakaling magkaroon ng severe reaction,” paliwanag niya.
Ani Teodoro, nakikipag-ugnayan sila sa University of the Philippines para sa volunteer social workers na tutulong sa mga vaccination.
“Hindi lang naman ’yung pagbabakuna ang ating inaalaala kundi ’yung trauma o kaya ’yung psychological effect nu’ng pagbabakuna sa mga bata,” aniya.
Nasa 382,000 indibidwal na ang nabakunahan sa Marikina, ani Teodoro.
“At meron kaming mga 60,000 to 70,000 na dagdag na binakunahan na tinatawag namin daytime population. Hindi lang ’yung mga residente ng Marikina.”
“Pati ’yung mga dito nagtatrabaho meron silang, halimbawa, mga terminal na sasakyan, na ang driver hindi taga-Marikina pero dito sila nagbibiyahe, yung mga nagtatrabaho sa palengke, sa bangko, at iba pang mga establisyimento dito sa Marikina,” aniya.
--TeleRadyo, 21 October 2021
Marikina, Markina Sports Center, Marikina Sports Complex, DOH, Department of Health, children with comorbidities, COVID-19 vaccine, COVID-19, Philippines children COVID-19 vaccination, COVID-19 vaccine for minors