Mahigpit na seguridad, ipinatutupad sa Manila North Cemetery

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2021 10:37 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigpit ang ipinapatupad na seguridad ng pamunuan ng Manila North Cemetery sa lahat ng dadalaw sa puntod ng kanilang yumao.

Sa itinayong police assistance desk sa labas ng sementeryo na pinostehan ng mga pulis at mga tauhan ng Manila North Cemetery, mabusising iniinspeksiyon ang mga bag ng mga papasok sa libingan.

Ilan sa mga nakumpiska ay mga pakete ng sigarilyo, matutulis na bagay na panlinis sa puntod at lighter. 

Hiwalay naman ang pasukan para sa mga babae at lalaki. Hindi rin pinapayagang makapasok ang mga sasakyan kaya mula sa entrance ay kailangan nang maglakad ng mga dadalaw habang meron namang pumapasadang mga tricycle sa loob ng sementeryo para sa mahihirapang maglakad ng malayo.

May ilan naman sa mga dumalaw ang nalito sa umiiral na patakaran sa ilalim ng alert level 3 hinggil sa paglabas ng mga bata.

Sa entrance pa lang ay hinarang na ang mga magulang na may kasamang batang may edad 17 taong gulang pababa.

Inanunsiyo din ng Manila North Cemetery director na hanggang alas-5 ng hapon sa Oktubre 28 na lang bukas para sa mga dadalaw ang sementeryo.

- TeleRadyo 21 Oktubre 2021