'Di residente ng Lobo, Batangas kailangan ng antigen test para makadalaw sa mga sementeryo
ABS-CBN News
Posted at Oct 20 2021 04:58 PM | Updated as of Oct 20 2021 06:50 PM
MAYNILA - Maaari nang dumalaw sa mga sementeryo sa bayan ng Lobo sa Batangas simula pa noong Linggo pero depende sa ibinigay na schedule ng lokal na pamahalaan kung saan barangay sila magmumula.
Isasara ang mga sementeryo sa Lobo sa loob ng tatlong araw mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 kaya hinati-hati sa magkakaibang araw ang pagdalaw sa sementeryo para makasunod sa health protocols.
Pero may mga umaangal sa kautusan ng lokal na pamahalaan ng Lobo na dapat may antigen test o kaya ay RT-PCR negative test result na maipakita ang mga dadalaw sa sementeryo kung hindi residente ng Lobo o magmumula sa ibang lugar.
Gaya ng Barangay Talahib Pantayan na sakop ng Batangas City at katabi lamang ng bayan ng Lobo.
Umaapela ang Barangay Chairman na si Mike Macalalad sa lokal na pamahalaan ng Lobo na sana huwag nang hingan ng antigen test ang kaniyang mga kabarangay dahil magiging pahirap lamang ito.
“Pwede naman po siguro na face mask na lang katulad din ng mamamayan nila sapagkat kami po ay katabing-katabi ng bayan ng Lobo. Sobra pong kawawa naman ang mga tao namin. Kung ito ay magkakaroon pa ng antigen ay para pong nadi-discriminate talaga, magkakaroon ng discrimination ang ibang mga tao,” sabi ni Macalalad.
Uuwi rin naman agad umano ang mga ito matapos dumalaw sa puntok ng kanilang mga mahal sa buhay.
Pero nanindigan ng Lobo na walang exemption.
“Ang agreement ng local IATF is walang exemption kasi hindi rin po sila residente ng Lobo, kahit katabi lang po namin silang bayan ay hindi rin po sila residente ng Lobo the rules applies to them as well,” paliwanag ni Atty. Nhea Victoria Sulit, municipal administrator ng Lobo.
Nangangamba ang bayan ng Lobo na baka dumami ang kaso ng COVID-19 na hindi kakayanin ng kanilang health facility. Makakadalaw lamang sa mga sementeryo ang mga hindi residente ng Lobo mula Nob. 3 hanggang Nob. 9.
- TeleRadyo 20 Oktubre 2021
Lobo, Batangas, Sementeryo, Antigen test, COVID 19, Coronavirus