Lalaking di nagbalik ng nai-test drive na motorsiklo, timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 11:03 AM

Watch also in iWantTFC

Isang carjacker ang inaresto ng awtoridad matapos na tangayin ang motorsiklong kanyang na-test drive sa Maynila.

Timbog ang isang lalaki matapos umanong tangayin ang high-end na motor ng isang online seller habang tine-test drive ito sa Tayuman, Maynila. 

Kinilala ang suspek na si Jamille Dela Cruz, 25-anyos, hinihinalang miyembro ng Sputnik Gang at dati nang nakulong dahil sa pagnanakaw. 

Kwento ng complainant, nagbenta siya ng motor sa isang online store at nagpakilala si Dela Cruz bilang buyer. 

Nang makipagkita sa online seller, sinasabing tinest drive ng suspek ang motor at saka pinaharurot at hindi na bumalik. 

Ayon kay PO2 Arvin Elma, bukod dito, may 5 iba pang complainant na kaparehong modus din ang inireklamo kaya't nagsagawa sila ng follow-up operation sa Dela Fuente Street, Sampaloc.

Inamin naman ni Dela Cruz na siya ang nasa likod ng pagnanakaw at sinabing matindi lamang ang kanyang pangangailangan kaya't nagawa ang modus. 

Samantala, arestado rin si John Esperanza matapos bumili ng nakaw na motor mula kay Dela Cruz na nagkakahalaga ng P25,000. – Umagang kay Ganda, 20 October 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.