Lalaki, timbog sa pagbebenta ng loose firearms sa Internet

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 10:36 AM | Updated as of Oct 20 2017 10:37 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril sa Quezon City.

Tig-isang shotgun, .9MM at caliber .40 at sari-saring rounds ng bala para sa mga baril na ito ang kinumpiska ng mga pulis nang arestuhin nila ang 45-anyos na VIP security service man na si Richard Atun Jr. sa kanilang operation sa Quezon City kagabi.

Ayon kay Senior Inspector Reydian Corales, chief operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Detective Special Operations Unit o DSOU, sinabihan sila ng informant tungkol sa nagbebenta ng tinaguriang loose firearms sa pamamagitan ng Facebook.

Nakipag-usap sila sa suspek online at nagkasundong mamimili ng shotgun at 9MM sa halagang P60,000. Nang arestuhin ang suspek nakuha rin nila ang caliber .40 sa kanyang kotse.

Napag-alaman ng DSOU sa Firearms and Explosives Office na walang lisensyang magbenta ng baril si Atun.

Sa panig naman ni Atun, sinabi nito na unang beses niyang ginawa ito dahil lang nagigipit umano siya sa pera. May koleksyon siya ng mga baril at gusto niyang ibenta ito para sa tuition at mga gastusin ng pamilya.

Nagbabala ang pulisya sa pagbebenta ng illegal firearms dahil posibleng gamitin ito sa mga krimen tulad ng pamamaril ng riding-in-tandem na tinututukan ngayon ng pulisya.

Magsasagawa sila ng ballistics test sa mga nakumpiskang baril para malaman kung nagamit na ito sa nakaraan krimen.

Nahaharap naman si Atun sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act. – Umagang kay Ganda, 20 October 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.