PatrolPH

Trak na may kargang buhangin tumagilid sa ilalim ng flyover sa Pasig

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 06:26 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nagkalat sa kalsada ang mga buhangin at tipak ng semento matapos sumalpok sa center island ang isang dump truck sa ilalim ng C5 flyover sa Pasig, Martes ng madaling araw.

Ayon kay William David, pahinante ng dump truck, galing sila ng Pampanga at maghahatid sana ng buhangin sa isang construction site sa Bagong Ilog nang mangyari ang aksidente.

Binabaybay nila ang C5 flyover at pababa na sana sila sa Pasig boulevard nang mawalan umano ng preno ang sasakyan.

Sinubukan nilang gamitin ang hand brake, pero hindi rin kinaya ang bigat ng truck kaya tumama ang sasakyan sa center island.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumagilid ito.

Hindi nasugatan si David at driver ng truck na si Mervin Gonzales.

Iginiit naman ni David na araw-araw nilang chine-check ang truck bago nila ito ibyahe sa malayong lugar.

Tumagal ng ilang oras ang clearing operation bago tuluyang naalis ang trak sa lugar. Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to damage to properties ang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.