'Susunod tayo sa imahe ni Sen. Miriam' - Roque

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 01:19 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ipinangako ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi siya magiging trapo kapag nabigyan ng pagkakataong makapag-silbi sa Senado.

"Ang aking pagtakbo ay isang paninindigan din na hindi ordinaryong pulitiko ang papel na ating gagampanan. Susunod po tayo sa ginawang imahe ni Senador Miriam Defensor-Santiago. Susunod tayo sa kaniyang hakbang. Hindi po tayo magiging trapo," sabi ni Roque sa panayam ng DZMM Miyerkoles ng umaga.

Naghain na si Roque ng kaniyang certificate of candidacy para tumakbo bilang senador sa susunod na halalan.

"Panahon na para bumalik sa Kongreso at magkaroon muli ng sariling paninindigan," aniya.

Ito'y sa kabila ng komentong binitiwan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi naman mananalo sa eleksiyon si Roque.

"Bahala naman ang taongbayan dyan. Kailangang magtrabaho ng matindi para makuha ang mandato ng taongbayan," sabi ni Roque.

Sa kabila nito, nabigyan naman siya ng basbas ni Duterte nang makausap niya ito nitong linggo.

"Nakipag-usap ako sa kaniya noong linggo at nirerespeto naman po niya ang aking desisyon. Meron pong basbas 'yan at nagpaalam naman po tayo ng maayos," sabi niya.

Tatakbo sa ilalim ng People's Reform Party si Roque.

Kung papalarin, patuloy aniyang itataguyod ang karapatang pangkalusugan, pabahay at kabuhayan sa Senado. - DZMM, 17 October 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.