2 batang nawawala sa pagguho ng lupa sa Baguio, pinaghahanap pa rin

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2021 10:15 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Patuloy na nagsasagawa ng paghuhukay ang awtoridad para mahanap ang dalawang batang nawawala sa naganap na pagguho ng lupa sa Barangay Dominican Mirador sa Baguio City.

Kasalukuyang naghuhukay ngayon ang may 100 kawani ng pulisya sa lugar kung saan dating nakatayo ang bahay ng mga bata.

Sa naturang lugar din nahukay nitong Martes ng tanghali ang bangkay ng lolo ng mga bata.

Pumasok na sa ikatlong araw ang paghahanap sa mga bata matapos ang pagguho ng lupa noong Lunes.

Ayon sa mga nakaligtas sa insidente, napakabilis umano ng pagguho ng lupa at napakakapal ng putik na bumagsak sa kanilang mga bahay na nakapwesto sa gilid ng bundok.

May K9 units din na tumutulong sa awtoridad para makapagdetect kung may buhay pa sa ilalim ng makapal na putik.

Patuloy din ang pagdarasal ng mga residente na mahanap na ang mga bata na nasa edad na 4 at 12 taong gulang.

- TeleRadyo 13 Oktubre 2021